Ipnakita ng Pangulo ang pagka-unsiyami matapos lumutang sa mga pahayagan ang mga pagbubulgar sa mga maanomalya umanong transaksiyon sa naturang proyekto samantalang matindi na anya ang sakripisyo ng kanyang administrasyon sa policy nitong pagtitipid. Kasabay nito, ipinaparating din ng mga empleyado sa Pangulo na mas malaki ang anomalya sa Road Right of Way sa ilalim ng DPWH, particular na ang Bicutan Interchange.
Ibinulgar ng mga empleyado ang daan-daang milyong pisong nalalagas sa pamahalaan at naibubulsa lamang ng iilan sa mga proyekto ng Road Right of Way ng DPWH. Imbes na 300 pamilya lamang ay naging mahigit sa 600 pamilya umano ang binayaran ng gobyerno ng milyun-milyong piso sa Bicutan-Interchange Project. Sinabi ng grupo na karamihan pa sa mga iskuwater na ito ay puro fake na tax declaration ang isinumite.
"Amin ding ipinagtataka kung bakit nagbabayad ang Road Right of Way sa mga iskuwater, hindi ba dapat sa HUDCC iyon dahil housing at relocation ito ng mga illegal settlers?" tanong ni Domeng Santos, isa sa mga concerned employees ng DPWH.
Sinasabing ang mga major contractors sa Road Right of Way ay malalapit umano sa hepe ng nasabing opisina na si Director Patrick Gatan. Kinukuwestiyon din ng grupo ang paghawak ni Gatan sa dalawang posisyon. Bukod umano sa Road Right of Way ay hawak pa ni Gatan ang Flood Control Office sa DPWH.