Sa latest monitoring ng Phivolcs, ang Mayon ay nasa stage ng "quiet and mild eruption" at patuloy na nagbubuga ng lava ang bunganga nito na isang indikasyon ng mas matinding pagsabog.
"A hazardous eruption is possible, we dont know when, maybe within weeks," ani Renato Solidum, Phivolcs director.
Kamakalawa ay agad itinaas sa alert level 3 mula sa alert level 1 ang bulkan, gayundin ay ipinatupad ang 7-kilometer danger zone mula sa 6-km kasunod ng pag-agos ng lava.
Sa ngayon ay naka-standby ang mga disaster relief officials para sa pag-iimbak ng pagkain.
Partikular na pinag-iingat ng Phivolcs ang mga nakatira sa mga lugar ng Sto. Domingo, Legaspi City at Daraga sa South Eastern part ng Bicol, bayan ng Camalig at Guinobatan sa South west part ng bulkan, mga bayan ng Tabaco, Malilipot at Bagacay sa North east at bayan ng Polangui, Oas at Ligaw sa North west.
"Bagamat wala pang evacuation na nagaganap, dapat nang maghanda ang mga tao diyan sa emergency evacuation na posibleng mangyari dahil nga sa inaasahan na nating pagsabog ng bulkan... patuloy ang pag-akyat ng magma at fluid ..kapag bumagsak yan, mistula yang natunaw na bakal na mainit na mainit," ani Jaime Sinsioco, officer-in-charge (OIC) volcanology department ng Phivolcs.
Sinabi din nito na sa nakalipas na monitoring sa bulkan, nakapagtala din sila ng 18 high frequency tremors at 4 low frequency tremors
Inamin din ni Sinsioco na may nagiging epekto sa Mayon ang pag-uulan na dala ng bagyong Florita kamakailan.
"Parang kawali yan eh, kung ang mainit na kawali na biglang malalagyan ng tubig ..di ba ang tendency nun ay steaming kaya yung maiinit na bato sa ilalim ng bulkan na nalalagyan ng tubig, kukulo yan na umaapekto din sa anumang deposit na nasa bulkan para umakyat papuntang bunganga nito," paliwanag pa ni Sinsioco.
Ang Mayon ay huling sumabog noong taong 2001 subalit wala naman itong naitalang nasawi o nasugatan sa insidente.
Samantala, bagamat may banta ng pagsabog ang Mayon, ang Bulkang Bulusan naman ay humihina sa ngayon.
"Pinag-aaralan naman namin ngayon na maibaba sa alert level 1 ang Bulusan mula number 2 kase humihina ito ngayon, panay preactic activity lamang ang naitatala namin dito at isang indikasyon ng paghina nito," dagdag ni Sinsioco.
Ang Mayon ay may 70 kilometrong layo sa Bulusan at wala anyang kaugnayan ang dalawang bulkang ito sa anumang kundisyon nito sa araw-araw. (Angie dela Cruz/Ed Casulla)