Ayon kay Joselito Sapio, chairman ng Galing Manggagawang Pinoy sa Abroad (GMPA) na binubuo ng mahigit sa 30 Filipino organizations sa HK, "nag-aalala ang mga katulad naming overseas Filipino workers na mababalewala ang aming pagsusumikap na mapatatag ang ekonomiya dahil sa pagmamaniobra ng mga sector na nagpupumilit na mapatalsik si Pangulong Arroyo."
Pinuna ni Sapio na kahit na mga pribadong mamamayan ang nagsampa ng mga impeachment complaint, ito ring mga ito ang nakipagsabwatan sa oposisyon sa nabigo nilang tangkang agawin ang kapangyarihan sa Pangulo.
"Walang nararating ang oposisyon kundi balewalain ang pagsisikap naming mga OFWs na patatagin at palakasin ang ekonomiya," ayon pa kay Sapio, sabay pagpuna nito sa umaabot na sa $10 bilyon ang naiambag ng mga OFW sa ekonomiya ng Pilipinas noong isang taon. (Mer Layson)