Kasabay nito ay idineklara ni Pangulong Arroyo na may pasok na sa lahat ng antas ng klase sa Metro Manila o NCR at Region 4 maliban sa Regions 1,2, 3 at CAR.
Sa pinakahuling report ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Glenn Rabonza, pito sa mga namatay ay natabunan ng landslide habang tatlo ang tinangay ng tubig-baha.
Ilan sa mga nasawi sina Juanita Tagaca ng Sarat, Ilocos Norte; Teresita Villegas, 42 at tatlong anak na sina Gilbert, 4, Jose Enrique, 3 at Jose Alberto, 3, ng Olongapo City; Perfecto Gaerlan, 54, ng Baguio City; Eduardo Tinedero, 53, ng Tanay, Rizal; Jonathan Enese at Edgar Bansit.
Naitala rin ang dalawang lalaki na namatay matapos tamaan ng kidlat sa Lubao, Pampanga kamakalawa ng hapon.
Sa tala ng OCD, umaabot sa kabuuang 22,762 katao ang naapektuhan ng flashflood; 13,830 rito ay mula sa La Union, 866 sa Ilocos Norte, 200 mula sa Ilocos Sur at 7,866 sa Benguet.
Naitala naman sa P9 milyon ang pinsala sa produktong agrikultura at inaasahang tataas ng 5% ang presyo ng gulay galing sa Cordillera Region dahil sa serye ng landslide sa Baguio.
Mula ng manalasa ang bagyo ay naitala ang 39 landslides sa Baguio dahilan para magdeklara ng state of calamity dito.
Namahagi naman ang DSWD at LGUs ng P134,748 halaga ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Kaugnay nito, nalinis na ang bahagi ng Olongapo-Gapan Highway sa Bataan na isinara sa trapiko matapos ang landslide dulot ng bagyo.
Ngayong Biyernes si Florita ay inaasahang nakalabas na ng bansa sa layong 490 kilometro ng Taiwan. (Joy Cantos/Angie dela Cruz)