Sa pag-aaral na isinagawa ng Ecowaste Coalition, ang pagkakalat ay pangit na ugali na ginagawa ng maraming tao, babae man o lalaki, mayaman o mahirap, edukado o hindi.
Bagaman mahigpit na ipinagbabawal ng Ecological Solid Waste Management Act at mga lokal na ordinansa ay laganap pa rin ang walang pakundangang pagtatapon ng mga kababayang ayaw paawat sa maling nakagawian.
Karaniwang itinatapon sa mga bangketa, kalye, daanang tubig, pasyalan at iba pang lugar ang mga upos ng sigarilyo, balat ng kendi at tsitsirya, bubble gum, balat ng mani at saging, plastik na pinaglagyan ng pagkain, tubig at palamig, tansan, mga mumunting papel at iba pa.
Ang mga kalat ay di lamang pangit sa paningin kundi nagiging sanhi pa ng kontaminasyon ng lupa, hangin at tubig. Halimbawa, ang mga kalat na itinapon o inagos sa mga lagusang tubig ay nagiging sanhi ng pagbaha at paglaganap ng mga mikrobyong nagdudulot ng ibat ibang sakit.
Maliban pa sa katamaran at katigasan ng ulo, ang kawalan ng pagpapahalaga sa kalinisan at kalusugan ng kapaligiran ay isang pangunahing dahilan kung bakit tila naging kultura na ng maraming Pinoy ang pagkakalat.
Ang kakulangan sa tuluy-tuloy na pampublikong impormasyon sa epekto ng pagkakalat at ang mahinang pagpapatupad ng mga batas at alituntunin laban sa pagkakalat ay balakid din sa pagpapatigil sa masamang ugali na ito. (Rowena Del Prado)