Sa pagpapatuloy ng Subic rape case hearing sa Makati Regional Trial Court kahapon, sinabi ni Paquito Torres, hepe ng Subic Bay Metropolitan Authority-Intelligence and Investigation Office (SBMA-110), na mariing inamin sa kanya ni Timoteo Soriano, driver ng van na sinakyan ng biktima at mga suspek na may naganap na rape sa loob ng naturang sasakyan noong Nob. 2, 2005 dakong alas-11 ng gabi.
Ayon kay Torres, sinabi ni Soriano sa kanyang affidavit na nakita nitong magkatabi sa likod ng van sina Lance Corporal Daniel Smith at Nicole habang sumisigaw ng "Go,Go, Smith go!" ang mga kasama ni Smith.
Nakapaloob din sa statement ni Soriano na narinig nito na sumisigaw si Nicole subalit hindi nito naulinigan ang eksaktong mga salita ni Nicole sanhi ng lakas ng stereo at cheering ng mga Kano sa loob ng van. "Naririnig ko si Nicole na sumisigaw pero hindi ko maintindihan dahil malakas ang sound ng stereo at sigawan sa loob," ani Soriano.
Nagawa ring sabihin ni Soriano kay Marine Staff Sergeant Chad Carpentier na ninenerbiyos siya sa mga pinaggagawa ng mga sundalong Kano.
Ipinahayag ni Torres sa korte base sa salaysay ni Soriano kung paano iniwan at inihulog mula sa van ng mga suspek ang biktima sa Water Front Road kanto ng Alava Pier kung saan nakadaong ang USSF ship.
Nabatid na boluntaryong nagbigay ng kanyang statement si Soriano sa harap ng mga witnesses na sina Naval Criminal Investigation Service (NCIS) agents Antonio Ramos, Guy Papageorge, Cong. Nitos Magsaysay sa loob ng SBMA-110 administration office.
Sinabi ni Torres na hindi niya alam na babaguhin ni Soriano ang naunang salaysay nito gayong napaka-cooperative nito sa pagbubukas ng naturang kaso. (Lordeth Bonilla)