Sa isang pahayag, sinabi ni Partylist Rep. Teddy Casino, lumalabas na malaki ang kinikita ng kompanyang YNN na pag-aari ng isang Sunny Sun sa pagnenegosyo ng kuryente.
Minsan na umanong tumanggap si Sun ng $3 milyon mula kay Energy Regulatory Commission Commissioner Jesus Alcordo bilang komisyon sa paglalakad ng pagkakaroon ng Meralco ng suplay ng kuryente na 108 megawatt na nanggagaling sa isang barge.
Minsan nang naging kasosyo si Alcordo sa YNN ngunit nag-divest na umano ng interes sa nasabing kompanya.
Maaaring magkaroon muli si Sun at ang YNN ng malaking kabayaran sakaling matuloy ang kontrata sa pagitan ng Meralco at plantang Masinloc na kayang magsuplay ng 600 megawatt na kuryente.
Inaasahan ang pagkakaroon ng kontrata sa suplay ng kuryente sa pagitan ng Meralco at Masinloc makaraang pirmahan ni Alcordo at tatlo pang ERC commissioner ang Resolution 21 ng ERC na nag-aatas umano ng suspensiyon sa "transparent" na subasta sa bilihan ng kuryente sa pagitan ng Meralco at Masinloc.
Ito ay sa kabila ng tahasang pagpapabulaan ng ERC sa akusasyon na magbibigay-daan ang nasabing resolusyon sa YNN at Meralco na magkaroon ng kontratang pagkakaperahan lang nila o "sweetheart deal".