Sa pagtatanong kung ilan ang asawa ni Erap: Prosecutor sinabon sa plunder trial

Pinagalitan kahapon ng Sandiganbayan si Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio dahil sa pagtatanong kung ilan ang asawa ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Sa pagpapatuloy ng plunder trial ni Estrada kahapon ay tinanong ito ni Villa-Ignacio kung sino ang asawa na sinasabi nito sa kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) na naging dahilan upang mag-object ang mga abogado ng dating pangulo.

Matapos sagutin ni Estrada na mayroon lamang siyang isang asawa, pinahinto ng mga mahistrdo si Villa-Ignacio sa pagtatanong ng mga "irelevant" questions.

"Why can’t you ask a factual question? You are asking a conclusion of the law," ani Presiding Justice Teresita Leonardo de Castro kay Villa-Ignacio.

Pinagalitan din ng korte si Villa-Ignacio dahil wala itong kopya ng sworn statemet ng dating pangulo kung saan sana niya ibabase ang kanyang mga tanong.

Hindi rin pinahintulutan ng korte si Villa-Ignacio na makahingi ng kopya ng sworn statement mula sa dating pangulo.

Sinabi ni Atty. Jose Flaminiano, abogado ni Estrada na hindi maaaring sisihin ni Villa-Ignacio ang depensa kung mahina ang ebidensiyang hawak ng prosekusyon.

Nakapuntos din naman ang prosekusyon nang hindi katigan ng korte ang kahilingan ni Flaminiano na hindi dapat payagang makinig at palabasin ng courtroom si Ilocos Sur Gov. Chavit Singson dahil posibleng maging rebuttal witness ito ng prosekusyon.

Sinabi ni Flaminiano na maaaring magamit laban kay Estrada ang mismong sinabi nito dahil nasa loob lamang ng korte si Singson.

Ibinasura ng mga mahistrado ang kahilingan matapos ihayag ni Villa-Ignacio na hindi pa nila tiyak kung gagamitin nilang rebuttal witness si Singson bukod pa sa tumayo na ang gobernador sa witness stand noon.

Wala ring batas na nagbabawal sa isang saksi na sumali sa cross examination hearings.

Ito ang ika-siyam na beses na pagharap ni Estrada sa korte kung saan nahaharap siya sa mahigit P4 bilyong plunder case. (Malou Escudero)

Show comments