ISAFP, CIDG kinasuhan ng Erap 5

Nagsampa ng kasong kriminal ang "Erap 5" sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal at miyembro ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at AFP-Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) kaugnay sa illegal na pag-aresto sa kanila.

Sa inihaing 25-pahinang complaint ng Erap 5 sa pangunguna ni Ruben Dionisio, sinampahan nito ng kasong frustrated murder, arbitrary detention, unlawful arrest, maltreatment of prisoners, grave threat, incriminatory machinations at robbery with violence against or intimidation of persons sina AFP Commodore Leonardo Calderon, Jr.; Lt. Col. Henry Robinson, Jr., group commander ng MIG 15 ng ISAFP; PNP-CIDG director P/Chief Supt. Jesus Versoza, PO1 Noel de Ramos; PO3 Fred Pimentel at ilang di pa kilalang pulis.

Isinalaysay ni Dionisio sa nabanggit na complaint-affidavit nito na siya ay pinahirapan ng husto nang sila ay dalhin sa hindi batid na lugar.

Ayon kay Dionisio, piniringan siya ng ISAFP operatives, binugbog at inumbag sa pader. Hindi pa nakuntento ay kinuryente ang kanyang ari, nilagyan ng plastic bag sa ulo at nilagyan ng mga langgam ang katawan habang pilit pinapaamin na siya si Mike Gamara o Ruben Tiamco, ang secretary-general ng Metro Rizal Party Comittee ng CPP-NPA.

Dahil umano sa matinding pagpapahirap sa kanya at pangungumbinsi ng isang di kilalang binatilyo ay inamin niya na siya si Mike upang makalaya na siya kasama sina Dennis Ibona, Virgilio Eustaquio, PO3 Jose Curameng at Jim Cabauatan, pawang mga miyembro ng Union of Masses for Democracy and Justice (UMDJ).

Matapos ito ay dinala sila ng kanilang abductors sa mga lugar na hindi nila nalalaman hanggang sa bigla na lamang tanggalin ang kanilang mga piring at kaharap na nila si Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco.

Hiniling ng Erap 5 kay Ombudsman Merceditas Gutierrez na masusing paimbestigahan at litisin ang mga akusado upang mabigyan sila ng hustisya laban sa ginawa umanong pagtorture sa kanila. (Grace dela Cruz)

Show comments