Sa muling pagharap ni Estrada sa Sandiganbayan Special Division, pinangalanan din ni Estrada ang mga Ayala at Lopez families, si Jaime Cardinal Sin, First Gentleman Mike Arroyo, dating Makati Business Club president Ricardo Romulo, Ilocos Sur Gov. Luis Chavit Singson, ex-Southern Command chief Edgardo Espinosa at ex-police Supt. Reynaldo Berroya bilang mga conspirators.
Ayon kay Estrada, may kanya-kanyang agenda ang mga nabanggit para magsabwatan at mapatalsik siya sa Palasyo. Sinabi ni Estrada na sinuportahan ng Ayala at Lopez families, may-ari ng Manila Water at Maynilad Water consortium, ang kanyang pagkakaalis sa Malacañang matapos niyang tanggihan ang kahilingan ng mga ito na itaas sa 80 porsiyento ang singil sa tubig.
"I won because of Erap sa Mahirap. If I will approve their request they (masa) might call me Erap Pampahirap," ani Estrada.
Isang buwan aniya matapos siyang mapatalsik sa Malacañang at palitan siya ni Gloria Arroyo ay tumaas ng 100% ang singil sa tubig.
Hindi rin umano niya pinagbigyan ang kahilingan ng namayapang si Cardinal Sin na ipag-utos ang 40-day ceasefire sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at patigilin ang Senado sa pagpasa ng Visiting Forces Agreement.
Sumama naman umano si Ramos sa sabwatan upang mapagtakpan ang Centennial Expo scandal, habang hindi naman matanggap ng business elite ang kanyang pagka-pangulo kaya todo suporta rin si Romulo sa ouster moves.
Natanggal umano sina Berroya at Espinosa sa kanilang puwesto noong presidente pa siya kaya gumanti ang mga ito.
Ayon pa kay Estrada, nagalit umano sa kanya si Singson dahil hindi niya pinagbigyan ang request nito na ilipat ang unliquidated cash advances ng gobernador.
Ni-raid din umano ng mga awtoridad ang isang warehouse ni Singson kung saan nakarekober ng mga motorsiklo.
Sinabi pa ni Estrada na hindi siya nag-resign bilang presidente at hindi siya dapat kasuhan ng plunder dahil mayroon siyang "immunity from suit".