Miriam goodbye na sa pulitika

Dahil sa kanyang kalusugan, tatapusin na lamang ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang kanyang termino sa Senado hanggang 2010 at balak na nitong magretiro sa pulitika.

Nag-file ng isang buwang sick leave si Sen. Santiago dahil sa kanyang alta-presyon, pero nabinat ito noong Lunes sa deliberasyon ng budget hearing kaya hindi ito nakapasok kahapon.

Ayon kay Santiago, nais na lamang niyang sundan ang yapak ng kaibigang si Labor Secretary Patricia Sto. Tomas na kamakalawa ay nagdesisyon na ring magbitiw sa tungkulin.

Aniya, kailangan niyang magpahinga, subalit hindi niya ito puwedeng gawin ng habambuhay dahil may tungkulin siya bilang mambabatas..

Sinabi pa ng mambabatas na pinayuhan niya si Sto. Tomas na huwag ng magbitiw sa tungkulin pero pinaliwanagan siya na kailangan na nilang magpahinga at pagtuunan ng pansin ang kanilang pamilya.

Gayunman, nilinaw nito na hihintayin niya muna ang magiging kaganapan sa Charter change bago tuluyang magpaalam sa pulitika. (Rudy Andal)

Show comments