Ayon kay Sen. Arroyo, chairman ng Senate blue ribbon committee, dapat ng kanselahin ang naturang bilihan dahil na rin sa kwestyonableng katauhan ng mga kumpanyang sumali sa subastahan at paglabag sa mga kasunduan at sa umiiral na batas ng bansa.
Naganap ang subastahan noong Dis. 1, 2004, kung saan maituturing itong pabor sa gobyerno kung ang basehan ay ang winning bid nito na US$562M na ikinasa ng YNN-Pacific Consortium na pinamumunuan ni Sunny Sun, isang Fil-Chinese businessman. Ang presyo ng naturang kumpanya ay mas mataas sa itinakda ng gobyerno na US$388-M.
Matapos manalo sa bidding ang YNN, nadiskubre ng komite ni Arroyo na isang front lang ang kumpanya makaraang madiskubreng isang janitorial services office lamang sa Binondo ang opisina nito, at lumutang din na isang Great Pacific Financial Corp. ang nasa likod ng YNN.
Ipinipilit ng PSALM, sa ilalim ng pamunuan ni Nieves Osorio na maisakatuparan ang bentahan pero walang maipakitang salapi ang YNN para ipambayad sa naturang planta at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nito nakukumpleto ang performance bond bagamat nakapaglagak na ito ng US$11.2-M.
Batay sa batas, dapat na mailit na ang ibinayad na US11.2M pabor sa gobyerno dahil paso na ito at dapat na bawiin na rin ang kontrata. (Rudy Andal)