Ang tatlong Pinay na pawang draftee ng Philippine Coast Guard (PCG) na sina Janet Belarmino, Carina Dayondon at Noelle Wenceslao ay nag-courtesy call muna noong Sabado kay PCG Commandant Rear Admiral Arthur Gosingan bago tumulak patungong Alaska para sa kanilang gagawing pagsasanay.
Apat na linggo o isang buwan nilang gagawing "training ground" ang McKinley na may lamig na -34 hanggang-57 degree celcius ang temperatura na sinasabing mas malamig pa sa Mt. Everest.
Buo ang determinasyon ng tatlo na makarating sa summit ng Everest sa susunod na taon para maghatid din ng karangalan sa bansa tulad ng natamo ng kanilang teammate sa First Philippine Mt. Everest Expedition team na sina Leo Oracion at Erwin "Pastour" Emata, una at ikalawang Pinoy na nakarating sa tuktok ng mundo at maiwagayway at maitirik ang bandila ng Pilipinas.
Ngayon pa lang ay hinihiling na ng tatlong dalagang Pinay sa sambayanan na ipagdasal rin sila na magtagumpay sa kanilang hangarin. (MLayson)