Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo, kinilala ang biktima na si Staff Sgt. Emmanuel "Manny" Legaspi, may asawa, 38.
Sa naantalang report, si Legaspi ay pinagbabaril ng mga bandido habang nagpapatrulya kasama ng iba pang US Army sa Tal-Afhar nitong nakalipas na Mayo 7.
Bagamat sugatan na ay sinasabing nagawa pang makaganti ng putok ni Legaspi ngunit hindi na rin ito nakaligtas sa kamatayan dahil sa dami ng tama ng bala na tinamo.
Si Legaspi ang naging pambato ng RP team sa boksing noong 1988 Olympics sa South Korea.
Napasok ito bilang miyembro ng US Army taong 2000 at na-assign sa Iraq noong Enero 2006. Bago ang kanyang kritikal na assignment sa Iraq ay natalaga si Legaspi sa 1st Batallion, 36th Infantry Regiment, First Brigade Combat team at First Armored Division ng US Army.
Inaayos na ng DFA at US Army ang mga papeles at iba pang dokmento ng nasawing Pinoy para sa repatriation ng bangkay nito sa Pilipinas.
Nakatakda rin itong bigyan ng medal of valor at iba pang parangal dahil sa naging tapang nito at nai-ambag sa serbisyo sa US Army.
Inulila ni Legaspi ang kanyang misis na si Shiona at anim na buwang-gulang na sanggol. (Mer Layson)