Sa Motion for Reconsideration ni Solicitor General Eduardo Nachura, iginiit nito na hindi nagkaroon ng pag-abuso sa panig ni Pangulong Arroyo nang ipalabas nito ang EO 464. Ipinaliwanag ng OSG na mayroong kapangyarihan ang Pangulo na obligahin ang mga opisyal na sakop ng ehekutibo na magpaalam muna sa Presidente bago humarap sa mga pagdinig ng Kongreso, sa pamamagitan ng paggigiit ng executive privilege.
Aniya, wala ring nilalabag ang EO 464 sa anumang Senate rules at guidelines. Hindi aniya dapat na idineklarang walang bisa ang Sec. 2-B ng EO 464 na nagsasabing sakop ng naturang kautusan ang mga Senior officials ng Executive Dept., General at Flag Officers ng AFP, PNP at Senior National Security Officials.
Nilinaw pa sa motion na ang tanging layunin ng EO 464 ay maprotektahan ang mga executive officials na humaharap sa mga congressional investigations. Binigyang-diin pa ng OSG na kadalasan ay pamumulitika na lamang umano ang layunin ng isinasagawang imbestigasyon at hindi na maituturing na "in aid of legislation." (Grace dela Cruz)