Sa ulat ni Mark Parlabe, ng Stratworks Marketing Communications, team manager ng grupo, narating ng mountaineer na si Leo Oracion, 31, ang summit dakong alas-5:30 ng hapon kahapon. Matagumpay na naitusok nito ang bandila ng Pilipinas sa pinakamataas na bahagi ng mundo upang makasama sa iilan pa lamang na bansa.
Sa monitoring ng PCG kay Team Everest leader, Art Valdez, dakong alas-11 ng gabi (Nepali time) nang umalis si Oracion sa Camp 4, may 26,000 feet na taas at inumpisahan ang "summit assault."
Huling narinig ni Valdez sa radyo si Oracion dakong alas-5:54 ng umaga kahapon at sinabing nasa maayos na siyang kalagayan sa summit ridge. Kasama ni Oracion sa ituktok ng Mt. Everest ang kanyang 24-ayos na Sherpa na si Temba, isang lokal na residente ng Nepal.
Si Oracion at mga miyembro ng FPMEE ay pawang mga professional climbers at adventure racers buhat sa PCG. Umabot umano sa higit dalawang taon ang isinagawang pagsasanay ng grupo para sa Mt. Everest Expedition at may tatlong buwan nang nasa Nepal para sa kanilang "acclimatization."
Samantala, dalawa pang Pinoy ang nagtatangka na makarating rin sa tuktok ng Mt. Everest kabilang sina Pastour Emate, 32, miyembro ng Mt. Everest Team at Romeo Garduce.
Sa rekord, 179 katao na ang nagbuwis ng buhay sa pag-akyat sa pinakamataas na bundok sa mundo. Mahigit 29,000 feet ang Mt. Everest, ang "Mother Goddess of the Universe" na nasa pagitan ng Nepal at Tibet. Taong 1953 unang naakyat ang bundok ng isang New Zealander at marami na ang sumunod sa kanyang yapak.