32 na patay kay Caloy

Nag-iwan ng 32 kataong patay ang bagyong Caloy at 8 pa ang nawawala bago tuluyang lumabas ng bansa kahapon.

Kahapon ng umaga ay namataan ang bagyo sa South China Sea dala ang lakas ng hanging umaabot sa 140 kilometro kada oras.

Gayunman, patuloy pa ring makakaranas ang southern Luzon at central Visayas ng mga pag-ulan at malakas na hangin na siyang epekto ng bagyo.

Sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), mahigit 42,000 ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan bunsod na rin ng nakaambang landslide at flashflood sa Southern Tagalog, Bicol, Central Visayas at Eastern Visayas region.

Ayon kay OCD administrator ret. Major Gen. Glen Rabonza, 26 sa nasawi ay mula sa lumubog na ferry boat M/V Mae Anne sa Masbate kung saan 15 sa mga biktima ay nakilala na habang 11 ang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan. Isa pang ferry boat ang tumaob habang nakadaong sa Albay, subalit walang iniulat na namatay o nasaktan.

Ang pinsala sa agrikultura ay nasa P19 milyon kasama na ang mga palaisdaan, nawasak na eskuwelahan, tahanan, imprastraktura at iba pang ari-arian.

Sinira rin ng malakas na hampas ng alon ang mga pantalan sa mga bayan ng Mabine, Talaga at Mahinaga, pawang sa Batangas at naitala sa P10 milyon ang pinsala sa insidente.

Samantala, may 2,000 ektarya naman ng palayan at maisan habang 100 pang ektarya ng taniman ng saging ang nasira sa Region 4.

Wala pa ring power supply sa lalawigan ng Oriental Mindoro, Romblon, Sorsogon, Masbate maliban sa Burias island habang naibalik na ang ilang suplay ng kuryente at komunikasyon sa ilang lugar sa Albay at Camarines Sur.

Sa kabuuan, umaabot sa 8,473 pamilya o kabuuang 42,123 katao ang sinalanta ni Caloy kung saan nananatili pa rin sa mga evacuation center ang may 1,572 pamilya o 7,893 katao sa mga lugar na grabeng naapektuhan ng bagyo.

Show comments