Ayon kay Sen. Manny Villar, chairman ng Senate committee on public order, dapat na higpitan ang pagpapatupad ng emission test batay na rin sa Republic Act 8749 o ang "Clean Air Act" na inakda niya noong siya pa ang pinuno ng Mababang Kapulungan.
Hiniling ni Villar sa Land Transportation Office (LTO) na maging istrikto at huwag payagan ang mga sasakyang bagsak sa emission test.
Ani Villar, ang air pollution ang dahilan ng pagdami ng mga sakit sa kabataan partikular na ang respiratory tract diseases o impeksyon.
Sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), pang-lima ang lungsod ng Maynila sa buong mundo kung ang pagbabatayan ay polusyon. Nangunguna ang Beijing, Shanghai sa China, New Delhi sa India, at Jakarta sa Indonesia.
Umaabot naman sa 144 microgram per normal cubic meter ang total suspended particles o TSP sa Metro Manila kung saan ang standard ay dapat 90 microgram per normal cubic meter. (Rudy Andal)