Dahil dito, pinaiimbestigahan ng mga kawani ng BOC sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naturang anomalya.
Ayon sa Association of Customs Employees, ang mga Customs Personnel Order o CPOs ay ibinebenta ng ilang matataas na opisyales ng ahensiya sa mga naghahangad na makapuwesto sa mga posisyon sa ibat ibang sangay ng ahensiya sa buong bansa.
Kung kalahating milyong piso umano ang ibabayad ay mataas na posisyon din ang ibibigay sa naghahangad na makapuwesto.
Ang mga posisyon na inaapruba sa pamamagitan ng transfer of assignments (TOA) ay pinagkakakitaan ng mga korap na opisyales ng BOC.
Isang deputy commissioner umano ang pumipirma ng mga transfer of assignments. Nang tanungin ng mga empleyado ang nasabing opisyal kung bakit siya ang pumipirma sa mga TOA, ang tugon umano nito ay may "basbas" ni Customs Commissioner Morales. "May kinalaman ba sa anomalyang ito si Commissioner Morales?" tanong ng isang nagpakilalang Mariano Solis, isang opisyal ng ACE.
Pormal nang nagsampa ang mga kawani ng BOC ng kanilang reklamo sa Kamara at dito ayon sa kanila ay pangangalanan nila ang lahat ng mga sangkot sa nasabing anomalya.
Nakahanda naman ang ilang kongresista na imbestigahan ang sinasabing bentahan ng posisyon sa Customs. Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Ilocos Norte Rep. Imee Marcos na nakahanda siyang dinggin ang reklamo ng ACE dahil pinag-uugatan ito ng katiwalian at hindi nakakatulong ang nasabing sistema para makalikom ng pondo ang gobyerno.
Makabubuti aniyang magpaliwanag si BOC Commissioner Morales sa isyu dahil imposibleng hindi niya alam ang reklamo ng mga empleyado.
"Lahat na lang yata ibinibenta sa Customs, mula sa behikulo, garments, ngayon naman ay pati posisyon," ani Marcos. (Malou Escudero)