Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Zamora na isusulong niya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang carless day sa buong Metro Manila bilang isa sa mga solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Pero agad na nilinaw ni Zamora na hindi dapat magsasabay-sabay ang mga bayan sa Metro Manila sa pagpapatupad ng carless day upang hindi naman maapektuhan ang mga business establishments.
"Puwedeng isang araw sa Maynila, sa susunod naman sa San Juan o kaya sa Quezon City, o kaya sa Makati," ani Zamora.
Posible aniyang nakita rin ng mga Metro mayors ang magandang epekto ng carless day kung saan ipinagbabawal sa ilang piling lansangan ang pagdaan ng mga sasakyan mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon bilang bahagi nang pagdiriwang ng Earth Day.
Idinagdag ni Zamora na hindi naman dapat ipagbawal sa carless day ang mga ambulansiya, fire trucks, at mga pribadong sasakyan na may dadalhing mga pasyente sa ospital.
Hindi aniya dapat maging negatibo ang pananaw ng mga mamamayan sa carless day at dapat tingnan ang magandang epekto nito dahil mababawasan ang konsumo ng gasolina. (Malou Escudero)