Oil deregulation law, ibasura — Madrigal

Hiniling kahapon ni Sen. Jamby Madrigal kay Pangulong Arroyo na sertipikahang urgent bill ang panukalang batas para maibasura na ang Oil Deregulation Law kasabay ang pagbasura ng Expanded-Value Added Tax (EVAT) sa produktong petrolyo.

Sinabi ni Sen. Madrigal, hindi pa nakahanda ang bansa upang humarap sa panibagong oil crisis kaya makakabuti na ibasura na ang Oil Deregulation Law gayundin ang pagbawi sa Petron shares at paglalagay sa Liquified Petroleum Gas sa ilalim ng price control.

Aniya, sobrang nakaasa tayo sa oil importation gayung mayroon tayong Malampaya Natural Gas Project sa Palawan na dapat ay tulungan at bigyang-pansin ng gobyerno.

Wika pa ni Madrigal, kung talagang nais ni PGMA na tulungan ang maliliit nating kababayan na lubhang naaapektuhan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay dapat sertipikahan ng Pangulo bilang urgent bill ang senate bill 2084.

Idinagdag pa ng mambabatas, malaking tulong para sa mga consumers ng produktong petrolyo kung mawawala dito ang ipinapataw na VAT.

Pabor naman si House Minority Leader Francis Escudero na suspendihin ang pagpapataw ng EVAT sa produktong petrolyo.

Sinabi naman ni administration Rep. Joey Salceda, chairman ng house committee on appropriations, malaking tulong sa mamamayan kung pansamantalang susupindihin ang pagpapatupad ng EVAT sa produktong petrolyo habang aabot lamang naman sa P15 bilyong buwis ang mawawala sa gobyerno dito.

Samantala, nagpahayag naman ang Palasyo na posibleng tanggalin ng gobyerno ang ipinapataw na 12 percent EVAT sa gasolina bilang hakbang ng pamahalaan upang makahanap ng paraan para mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo. (Rudy Andal/Malou Escudero/Lilia Tolentino)

Show comments