Kahapon ay isa na namang bangkay ng pinaniniwalaang tulak ng iligal na droga ang pinatay ng umanoy mga vigilante at itinapon malapit sa sinalakay na shabu tiangge sa Pasig City.
Ang hindi pa kilalang biktima na may edad 25-30 anyos, may taas na 56, mestiso at may katamtamang pangangatawan ay natagpuan sa gilid ng bakanteng lote katabi ng shabu tiangge sa kahabaan ng F. Soriano st., Bgy. Sto. Tomas.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, pinahirapan muna ang biktima dahil ang buong katawan nito ay tinadtad ng saksak at tinalian ng alambre sa kamay at paa.
Ito na ang ikatlong salvage victim na pinaniniwalaang mga tulak ng shabu na itinapon sa nasabing lugar matapos na unang matagpuan doon ang isang alyas "Boy Idol", maintainer ng shabu tiangge na tadtad ng tama ng baril sa ulo at katawan. Naganap ito bago matapos ang buwan ng Marso.
Sumunod naman natagpuan ang isa pang kilabot na tulak na tadtad din ng tama ng bala noong Abril 19.
Ang pagsalvage sa mga biktima ay inako naman ng isang grupo na nagpakilalang mga vigilante na ang dahilan ay ubusin ang mga drug pusher sa lungsod ng Pasig bilang sagot umano sa tigil-bitay.
Matatandaang noong Pebrero 9, 2006 ay sinalakay ng awtoridad ang shabu tiangge sa Mapayapa compound at naaresto rito ang mahigit 300 katao.
Simula ng mabuwag ang nasabing drug den ay naging sunud-sunod na ang patayang naganap sa lungsod ng Pasig kabilang ang tatlong pulis na nakatira sa mga katabing barangay nito.
Isang malawakang imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya kung iisang grupo lang ang responsable sa lumalalang patayan sa lungsod at sa agarang pagkakadakip sa mga ito. (Edwin Balasa)