Sa 24-pahinang desisyon ni Judge Elizabeth Guray ng Branch 202, pinagbabayad din ang aktor ng halagang P5.1 milyon bilang danyos sa kanyang naging biktima na si Christina Decena, isang negosyante.
Pinawalang sala naman ng hukuman ang co-accused at kapatid nitong si Ramon Salvador dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Base sa rekord, nangutang si Philip ng halagang P5 milyon kay Decena na gagamitin umanong puhunan ng magkapatid na Salvador para sa negosyong isang remittance international company na nasa Hong Kong.
Ngunit ayon kay Decena, hindi naman nag-materialized ang sinasabing negosyo at hindi naibalik sa kanya ang nabanggit na halaga.
Napag-alaman ni Decena na isinugal ni Philip ang pera sa Macao, China dahilan para kasuhan niya ang aktor ng estafa.
Sa naging arraignment sa mga Salvador noong nakaraang taon ay nag-plead ito ng "not guilty". Kasunod nito ay inisyuhan sila ng warrant of arrest ni Judge Guray dahil madalas na hindi pagsipot sa pagdinig hanggang sa sumuko ang mga ito sa Las Piñas City Police.
Bukod sa kasong estafa sa Las Piñas ay sinampahan din ni Decena ng kasong estafa sa Makati City Prosecutors Office si Philip na hinihintay na lamang ang pagpapalabas ng resolution dito.
Sa naturang resolusyon, malalaman dito kung maibabasura ang kaso laban sa aktor o kung iaakyat na ito sa korte. (Lordeth Bonilla)