Ayon kay Sen. Angara, pangulo ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), lalo lamang nagkakaroon ng pagkakawatak-watak ang ganitong mga panawagan gayong wala namang kongkretong alternatibong personalidad na itinutulak ng mga nananawagan ng "Gloria resign" na tinatanggap din ng taumbayan para ipalit kay Arroyo.
Wika pa ni Angara, ang ganitong uri ng pulitika ang lalong nagiging dahilan ng mga krisis ng ating bansa kaya ngayong Semana Santa ay dapat alalahanin natin ang mga ginawang sakripisyo ng Panginoong Hesus Kristo na dapat nating tularan.
Idinagdag pa ni Angara, mayroong termino na dapat tapusin si Arroyo hanggang 2010 at hindi ito puwedeng itulad sa ginawang pagbibitiw ni Thailand Prime Minister Thaksin Shiniwatra dahil parliamentary government ang sistema nito at hindi naman siya direktang inihalal ng taumbayan.
Ayon sa Malacañang, ginagamit ng oposisyon ang sitwasyon sa Thailand para pigilan ang Peoples Initiative.
Magugunita na inilunsad kamakalawa nina Senate President Franklin Drilon at Minority Floorleader Aquilino Pimentel ang "Gloria Resign movement" na dinaluhan din nina Sens. Panfilo Lacson, Jamby Madrigal at Jinggoy Estrada na sinuportahan din ng mga empleyado ng Senado.