Naki-sigaw din ng Gloria resign ang mga empleyado sa Senado na mawawalan ng trabaho kapag nagtagumpay ang gobyerno na palitan ang sistema ng gobyerno.
Sa pahayag ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO), ilegal ang ginagawang hakbang para baguhin ang saligang-batas at ang tanging maayos na paraan para maresolba ang krisis-pulitika ng bansa ay ang pagbibitiw ni Arroyo.
Sa kanilang kalatas-pahayag, sinabi ng SENADO na kaduda-duda ang isinusulong na Peoples Initiative.
Aniya, bukas ang kanilang isipan na dapat baguhin na ang saligang-batas pero hindi sa pamamaraan na isinusulong ng gobyerno at hindi rin sagot sa problema ang pagbabago ng porma ng pamahalaan.
Dinaluhan ang maigsing programa nina Senate President Franklin Drilon, Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., Sens. Panfilo Lacson, Jinggoy Estrada, Jamby Madrigal, at Serge Osmeña. Namahagi din ng mga car sticker na "Gloria Resign" ang grupo at ikinabit naman ng mga senador na kontra sa Pangulo.
Nagdiwang kahapon si Pangulong Arroyo ng kanyang ika-59 kaarawan.