Kasabay nito, hiniling ni Atty. Perfecto Yasay Jr., abogado ng AEDC na dapat magtalaga ang Kongreso ng isang malaya at pribadong assessor na magsisiyasat sa istraktura ng terminal at hindi ang Department of Transportation and Communications (DOTC).
Sinabi ni Yasay na magkakaroon ng pagtatakip kapag DOTC ang nanguna sa imbestigasyon sapagkat ito ang naggawad ng kontrata sa PIATCO at ito rin ang nagsabing ligtas ang terminal kaya iniskedyul ang March 31 opening nito. Nauna nang nagpahayag ng pagdududa ang mga airline companies sa kaligtasan ng NAIA 3.
"Nais naming isang malaya at pribadong grupo ang gumawa ng imbestigasyon na itatalaga ng Kongreso. Hindi dapat payagan ang DOTC at ang kumpanyang consultant nito para magsiyasat dahil self-serving at magkakaroon ng pagtatakip sa mga depekto ng pasilidad," sabi ni Yasay.
Sinisi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Alfonso Cusi ang pagguho sa mahinang pagkakagawa ng terminal, at inaming tinitingnan nila ang posibilidad na substandard ang mga materyales na ginamit sa konstruksiyon. Binanggit din ni Yasay na mas mahihirapan ang gobyerno na kumbinsihin ang mga international at local airline companies sa paggamit ng NAIA 3. Sinabi rin niyang ang Philippine Airlines na siyang pangunahing airline ng bansa ay nag-aalinlangang lumipat sa NAIA 3.