Ayon kay Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) chief Marcelo Ele Jr., nakatanggap sila ng intelligence report na inilipat na ng mga sindikato ng droga ang pagawaan ng shabu sa kani-kanilang mga yate upang mahirapan ang pulisyang mapasok ito dahil sa kasalukuyan ay kulang ang sasakyang pandagat at gamit upang tumugis sa mga ito.
"Hirap kaming mapasok ang mga drug syndicate ngayon dahil sa yate na sila gumagawa ng shabu. Kahit kami sa PDEA ay hindi handa sa ganitong sitwasyon at wala ni isa man lang sea patrol," pahayag ni Ele.
Sa ngayon, dagdag pa ni Ele, hindi pa matukoy ng AIDSOTF kung sino ang may-ari ng mga pribadong yate ngunit base sa kanilang nakalap na impormasyon, ang modus operandi ng sindikato ay sa mga yate lulutuin ang finish product na shabu at makalipas ang ilang araw ay saka isasalin sa mga maliliit na bangka na siya namang gagamitin para sa distribusyon. Dahil sa ganitong istratehiya umano ay nakakaligtas ang lider ng sindikato habang ang mga chemist lamang ang siyang nasa yate at makaraan ang pagluluto ng shabu ay ililipat naman sa ibang lugar. Inamin ni Ele na ilang Filipino-Chinese at Muslim ang kanilang iniimbestigahan na may kinalaman sa bagong modus operandi. (Edwin Balasa)