P8-M hulugan alok ni Goma

Nag-alok kahapon ng halagang P8-milyon ang aktor na si Richard Gomez sa kanyang tax evasion case sa Department of Justice (DOJ) na ibibigay nito ng hulugan.

Ayon kay Justice Sec. Raul Gonzalez, ginamit ni Gomez si Gina de Venecia, asawa ni Speaker Jose de Venecia na tulay upang makausap siya nito na iatras ang multi-milyong kaso laban sa kanya sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sinabi ni Gonzalez na nag-alok ng P8 milyon si Goma bilang kabayaran sa buwis na hindi nabayaran sa paglabas sa telebisyon, pelikula at pag-eendorso ng mga produkto sa pamamagitan ng TV commercials.

Ngunit nais umano ng aktor na gawing hulugan o "staggered basis" ang bayaran dahil mabigat umano sa kanya kung isang beses lang ang pagbabayad.

Samantala, hiniling ng BIR sa DOJ na baliktarin nito ang naunang desisyon hinggil sa P7.5 milyong tax evasion case laban kay Asia’s Songbird Regine Velasquez.

Batay sa motion for reconsiderations ng BIR, iginiit na malaki ang pagkakamali ng DOJ nang ibasura nito ang tax evasion case laban kay Velasquez dahil sa kumpleto ang BIR sa kanilang isinumiteng ebidensya. (Danilo Garcia/Grace Amargo-dela Cruz)

Show comments