Sa isang kalatas, sinabi ng mga manggagawa na malaking kahinaan sa kanilang hanay ang kawalan ng sapat na pondo na tutustos sa kanilang pag-aaklas.
Nauna rito, hiningi ng mga manggagawa sa pamunuan ng kanilang unyon na ipaliwanag kung saan napunta ang nawawalang kalahating milyong piso na pondo nito.
Sinabi ng mga kasaping empleyado ng ABC Employees Union na nawala na parang bula ang pondo ng unyon at malamang na ginugol ito sa di pa malamang kadahilanan.
Ikinalungkot ng mga empleyado ang patuloy na pagwawalang-bahala ni Carlos Jizmundo, pangulo ng unyon, sa mga panawagan na ipaliwanag ang detalye ng nawawalang pondo ng unyon.
Sinabi ng mga manggagawa na maaari silang ihambing sa mga sundalong lumaban sa giyera nang walang baril at bala kung mag-aaklas sila ng walang sapat na pondo.
Para na rin daw silang nagpakamatay, ayon na rin sa mga manggagawa.
Planong mag-aklas ang unyon matapos magkaroon ng deadlock sa negosasyon para sa isang collective bargaining agreement sa pagitan ng mga empleyado at management.