Inihayag ito nina Executive Sec. Eduardo Ermita at Justice Sec. Raul Gonzalez para anila ganap na mabigyang hustisya ang ginawa nilang aksiyon laban sa pamahalaan.
Ayon kay Gonzalez, ipapatawag ng DOJ si Nelly Sindayen ng Times Asia Magazine para magbigay linaw tungkol sa pulong na ginanap sa tahanan ni datingTarlac Rep. Peping Cojuangco kasama si COPA president Pastor Boy Saycon.
Isang Times Asia magazine reporter ang umanoy naging saksi noong Huwebes sa pagpupulong sa tahanan ni Cojuangco Jr., kapatid ni dating Pangulong Cory Aquino, kung saan pinaplano ang pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo.
Sinabi pa sa nasabing ulat ng Times reporter na maraming opisyal at negosyante ang nasa pulong sa bahay ni Cojuangco kabilang ang kritiko ni Arroyo na si Saycon na nakipag-ugnayan pa umano sa isang opisyal sa Washington D.C. at sinibak na Scout Ranger Commander B/Gen. Danilo Lim.
Siniguro pa raw ni Saycon sa phone conversation nito sa isang opisyal sa Washington na mananatili pa ring kaibigan ng Amerika ang itatayong post-coup regime kapag napatalsik si Mrs. Arroyo.
Ipinarinig din ni Saycon sa pamamagitan ng speaker phone ng kanyang cellular phone ang pakikipag-usap nito sa isang Delta na si Gen. Lim na nagsabing "all system go" para sa planong kudeta.
Plano sana ng grupo ni Lim na magmartsa ang mga Scout Rangers bitbit ang kanilang mga high-powered na armas sa selebrasyon ng ika-20 taon ng EDSA People Power 1 sa Edsa shrine kung saan ay sasalubungin naman sila ng mga Catholic bishops habang ang isang Marine general naman ay babasahin ang statement ng withdrawal of support sa Arroyo government.
Nabigo ang planong ito ng grupo matapos maaresto si Lim at PNP-SAF chief Marcelino Franco noong Biyernes hanggang sa magdeklara ng state of national emergency si Pangulong Arroyo. (Lilia Tolentino)