Marines nag-aklas!

Nag-aklas kahapon ang mga sundalo ng Philippine Marines dahil sa umano’y hindi makatarungang pagsibak kay Marine Commandant Major Gen. Renato Miranda.

Agad lumusob sa Fort Bonifacio ang isang batalyon ng sundalo at mga Simba tanks matapos mabulabog sa biglaang pagkakatanggal sa puwesto ng kanilang commandant.

Si Gen. Miranda ay inalis umano sa kanyang puwesto matapos ang alingasngas ng kudeta at "unuthorized troop movement" gayundin ang balitang magwi-withdraw ito ng suporta kay Pangulong Arroyo.

Subalit ayon kay Marine spokesman Major Melquiades Ordiales, personal ang dahilan ng pagsibak dito at si Miranda mismo ang humiling para tanggalin siya sa puwesto.

Agad ding nilinaw ng Malacañang na hindi sinibak si Miranda.

"Miranda asked to be relieved. There is no authorized troop movement and Col. Ariel Querubin will be taken into custody," pahayag ng statement ng Palasyo.

Pinaniniwalaan namang ang pagkakadawit ng pangalan ni Col. Querubin, Commander ng 1st Marine Brigade na nakabase sa Marawi City sa lalawigan ng Lanao ang pangunahing sanhi ng pagsipa sa puwesto kay Miranda.

Si Querubin ay nauna nang napaulat na isinasailalim sa imbestigasyon dahilan umano sa pagkakasangkot sa nasilat na coup plot ng sinibak na si Army Scout Ranger Brig. Gen. Danilo Lim laban sa administrasyon na mariin nitong pinabulaanan.

Kasabay nito, nanawagan si Col. Querubin ng suporta sa mga kasamahan nila sa militar at taumbayan na bigyan sila ng proteksyon laban sa mapanikil na sistema ng administrasyon.

" We call the people to support us, were doing this for the people," pahayag ni Querubin sa aniya’y di makatwirang pagsibak sa kanilang Commandant ng walang magandang kadahilanan.

Nagpadala na ang AFP ng mga tauhan ng Civil Disturbance Management Unit para arestuhin si Querubin subalit bigo silang makuha ito.

Ang Marines ay mayroong 400 officers at 8,000 strong forces.

Kagabi ay dumagsa sa Marine headquarters ang civil society groups, mga pari at madre, ilang pulitiko at mga sibilyan para magsagawa ng vigil bilang suporta kay Miranda at sa panawagan ni Querubin.

Pansamantala namang ipinalit kay Miranda ang Deputy nito na si Brig. Gen. Nelson Allaga.

Kaugnay nito, sinabi naman ni AFP-PIO Chief Col. Tristan Kison na nanatiling solido ang kanilang hanay sa kabila ng mga negatibong pahayag ni Querubin.

Samantala, nagdeploy ng tropa ang NCR Command para bantayan ang vital installations gaya ng Malacañang at bantayan ang palibot ng Fort Bonifacio. (Joy Cantos)

Show comments