MJ nagbigay ng P1.5-M sa stampede victims

Nagkaloob ng kabuuang tulong na P1.5 milyon sa mga biktima ng stampede sa Wowowee si dating Manila Rep. Mark Jimenez.

Ito ang ibinunyag ni Manila Rep. Joey Hizon kaugnay ng ginawang pagtulong ni Jimenez sa pamilya ng nasawi at nasugatan sa naganap na stampede noong Sabado sa ULTRA.

Sinabi ni Rep. Hizon, kasama siya ni Jimenez ng magkaloob ito ng P10,000 cash at P10,000 halaga ng goods sa bawat pamilya ng 74 nasawi sa trahedya sa ULTRA.

"Gusto niyang direktang ibigay ang tulong sa mga nabiktima kaya siya mismo ang naglibot sa burol ng mga nasawi sa Arlington at Loyola chapels," wika pa ni Hizon.

Samantala, ipinagtanggol naman nina Eastern Samar Rep. Marcelino Libanan at Isabela Rep. Rodito Albano III ang gobyerno mula sa mga bumabatikos dito kung saan ay pilit na isinisisi sa Arroyo government ang pangyayari sa ULTRA dahil daw sa sobrang kahirapan.

Sinabi ng dalawang kongresista, hindi tama na isisi kay Pangulong Arroyo ang pangyayari dahil bago pa man maging Pangulo si Mrs. Arroyo ay problema na ng bansa ang kahirapan. (MRongalerios)

Show comments