Huwes pinarusahan ng SC kahit retirado na
Kahit retirado na sa serbisyo, pinatawan pa rin ng kaparusahan ng Korte Suprema ang isang dating huwes matapos na higit sa 100 kaso ang iniwan nitong nakabinbin sa kanyang sala. Pinagmulta ni Justice Leonardo Quisumbing ng P20,000 si dating Judge Felix Gaudiel, Jr. ng Negros Oriental RTC branch 64. Retirado na ito sa serbisyo noon pang Dis. 4, 2002 dahil sa problema sa kalusugan. Sa inventory ng Office of the Court Administrator, nabatid na 17 sa 23 kasong hawak nito noong Okt. 14, 2002 ang hindi nito nadesisyunan, na isang paglabag sa rules of court. Sa audit team naman, umaabot sa 97 mga kaso ang "dormant" o natutulog sa sala ni Gaudiel sa mahabang panahon ng pagiging huwes nito.Ikinatwiran ni Gaudiel ang kanyang malimit na pagkakasakit kaya hindi nadesisyunan ang mga kaso sa kanyang sala. Dahil retirado, nagdesisyon ang korte na ibawas ang naturang multa sa tinatanggap na benepisyo ni Gaudiel. (Danilo Garcia)