Ayon kay Gordon, maraming overseas Filipino workers ang makakaiwas na mapasok sa gulo sa ibang bansa, tulad ng umanoy pagpatay ng isang Pilipina sa kanyang amo sa Kuwait, kung maayos at komprehensibo ang pre-departure orientation seminar na ibinibigay sa kanila.
Ginawa ni Gordon ang pahayag kaugnay ng mga report na nakarating sa kanyang tanggapan na halos wala nang saysay ang PDOS ng mga OFWs sa kasalukuyan dahil hindi nito ganap na naihahanda ang mga OFW, psychologically at emotionally, para sa mga problemang haharapin sa ibang bansa.
Sinabi ni Gordon na dapat na i-overhaul ng pamahalaan ang PDOS lalot ang pagbibigay nito ay ipinabahala na sa kung anu-anong organisasyon, maging ang mga recruiter ng mga OFW na aniyay hindi maiiwasang magkaroon ng vested interest.
Patungkol naman sa Pilipinang nahaharap sa bitay sa Kuwait, sinabi ni Gordon na tungkulin ng pamahalaan ng Pilipinas na tulungan ang lahat ng Pilipinong nahaharap sa gusot sa ibang bansa.
Gayunman, sinabi ni Gordon na maging sa Pilipinas, may kaparusahan ang bawat krimen kung kaya walang magagawa ang pamahalaan kung igiit ng ibang bansa ang kanilang karapatan na patawan ng parusa ang sinumang nagkasala sa kanilang hurisdiksiyon. (Rudy Andal)