Kaugnay nito ay nagpahayag ang tatlong malalaking transport groups na maghahain sila ng petisyon para sa panibagong fare hike matapos magtaas na naman ng 50 sentimos kada litro sa kanilang krudo ang mga oil companies nitong nakaraang linggo.
Inihahanda na ng Alliance of Concerned Transport Organization (Acto), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap) at Alliance of Transport Operators and Drivers Asso. of the Philippines (Altodap) ang pagsasampa ng kanilang apela.
Dahilan sa napipinto namang pagtaas ng pamasahe ay nagpahayag na rin ng pagsuporta ang militanteng transport group na PISTON sa panawagan para sa agarang implementasyon ng EO 474 "upang makabuo na ng mga kongkretong programa ang pamahalaan na naglalayong malutas ang lalo pang tumitinding suliranin sa enerhiya ng bansa."
Hinikayat ng Piston si Pangulong Arroyo na ituloy na ang implementasyon ng PSOGERPIO at huwag na niyang pansinin ang ilang grupo na humahadlang sa pagbuo nito.
Pinirmahan ni Pangulong Arroyo noong nakaraang Nobyembre ang EO 474 para matulungan ang mga programang pang-enerhiya ng DoE, pero hindi naipatupad matapos umangal si Energy Sec. Raphael Lotilla na nagsabing maaring maapakan ng tanggapan ang mga tungkulin at programa ng kanyang departamento.
Una nang ipinaliwanag ng Malacañang sa pamamagitan ni Executive Sec. Eduardo Ermita na ang EO 474 ay ginawa hindi upang makipag-kompetensiya sa DoE bagkus ay para mapasigla ang mga programang pang-enerhiya ng pamahalaan. (Ludy Bermudo)