‘EO 420 ibasura!’

Ipinababasura ng iba’t ibang militanteng grupo sa Supreme Court (SC) ang Executive Order 420 o ang pagpapatupad ng Single Unified ID System dahil lalabagin umano ng nasabing sistema ang Constitutional rights to privacy ng mga mamamayan sa sandaling ipatupad ang nasabing kautusan ni Pangulong Arroyo.

Nabatid mula sa 15-pahinang reply, binigyang-diin ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bayan Muna na dapat lamang ideklarang unconstitutional ang EO 420.

Ipinaliwanag ng mga naturang grupo na dapat ihinto na lamang ng SC ang pagpapatupad sa Unified ID System gaya ng pagpapahinto sa National ID System dahil malaki umano ang posibilidad na magamit ang mga impormasyon na nakapaloob sa ID sa mga surveillance at spying activities ng pamahalaan sa mga itinuturing na kalaban ng gobyerno.

Sinabi pa ng KMU at Bayan Muna na hindi maaaring isulong ng Pangulo ang kanyang kautusan dahil walang kaukulang batas mula sa Kongreso na siyang nagbibigay kapangyarihan sa pagpapatupad ng Unified Single ID System.

Una ng ipinanukala ang paggamit ng Unified ID System sa mga pakikipagtransaksyon sa lahat ng sangay ng gobyerno. (Grace dela Cruz)

Show comments