Sa ginanap na national directorate meeting kagabi ng Lakas para talakayin ang kanilang stand ukol sa Charter change (Cha-cha), bigo si Ramos na makuha ang susporta ng kanyang ka-partido dahil hindi natalakay ang mga hirit nito. Wala ring naganap na showdown sa pagitan ni FVR at Pangulo.
Sa talumpati ni Pangulong Arroyo, nanindigan ito sa kanyang mandato bilang legal na Pangulo ng bansa at siya umano ang last woman standing.
Sinabi ng Pangulo na mula sa isinagawang pagsusuri sa mga election returns sa mga lalawigan ng Mandaue at Lapu-Lapu na kinuwestiyon ang kanyang pagkapanalo dito ay lumalabas na walang ebidensya na nagkaroon ng dayaan o anumang iregularidad sa mga boto sa pagka-pangulo at bise presidente.
Dahil dito, pinasalamatan ng Pangulo ang kanyang mga partymate dahil sa tagumpay nito ng nagdaang halalan.
Nanawagan ang Pangulo sa kanyang partido na isulong ang paglago ng ekonomiya, isakatuparan ang Cha-cha at magkaisa upang labanan ang kahirapan para sa mamamayang Pilipino.
Ayon sa Pangulo, inaasahan nito na sa kalagitnaan ng taong 2006 ay maisusulong na ang pagbabago ng Saligang Batas.
Kabilang sa rekomendasyon ng Concom sa Cha-cha ay ang no-elections sa 2007. (Ellen Fernando)