Caloocan residents nakinabang sa buwis

Sinigurado ni Caloocan City Mayor Enrico "Recom" Echiverri na ang buwis na ibinabayad ng mga mamamayan ng lungsod sa lokal na pamahalaan ay naibabalik sa kanila sa pamamagitan ng mas maraming proyekto at serbisyong napakikinabangan ng nakararaming residente.

Sinabi ni Echiverri na nakapagtala ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng 45.74% pagtaas sa koleksyon ng buwis mula Enero hanggang Nobyembre 2005 kung saan nakakolekta ang nasabing opisina ng P550,724,299.10 sa mga nagbabayad ng permit ng kanilang negosyo kumpara sa P377,879,750.69 noong Enero-Nobyembre 2004.

Sa mga ibinayad na buwis ng mga mamamayan, 24 proyektong pang-imprastrukturang kinabibilangan ng covered courts at multi-purpose halls na nagkakahalaga ng P102.109 milyon ang naisagawa sa lungsod.

Natapos rin ang mga proyektong isinasagawa sa Camarin D Eleme. School; Phase 8; Cielito Zamora High School; Ascoville Subd., Malaria; HUCCI-HOA, Maligaya; at MLQ Annex.

Nakumpleto na rin ang rehabilitasyon ng rip-rap, pagkokongkreto at pagsasaayos sa kanal at iba pang daanan ng tubig, at pagkokongkreto sa mga kalye sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Naisagawa na rin ang paglilinis ng mga daanan ng tubig at aqueducts upang maiwasan ang pagbaha sa mababang parte ng Caloocan at naisaayos ang kalye at nalagyan ng street lights ang ilang bahagi ng lungsod.

Kasalukuyan namang isinasagawa ang konstruksyon ng 22 iba pang proyekto kabilang na ang dalawang palapag, walong kuwartong gusali para sa Kasarinlan High School, Maypajo High School at Camarin High School; dalawang palapag, walong kuwartong gusali na maaari pang lagyan ng ikatlo at ikaapat na palapag para sa Horacio dela Costa High School.

Show comments