Promosyon ng 2 general ‘bayad-utang’

Bayad-utang na loob umano ang pagkakatalaga kina AFP Maj. Gen. Gabriel Habacon sa Southern Command at Rear Admiral Tirso Danga sa Western Command na kapwa nasangkot sa kontrobersiyal na "Hello Garci" tape.

Ayon kay Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng Senate committee on national defense and security, hindi dapat nabigyan ng ganitong promosyon ang dalawa dahil hindi pa naka-klaro ang naging papel ng mga ito sa umano’y dayaan sa May 2004 elections na nagpapanalo kay Pangulong Arroyo.

Napakalayo anya ni Habacon sa ilang mga generals kung seniority ang pag-uusapan dahil pang-20 ito.

Bagaman hindi naman nabanggit si Danga sa Hello Garci tape, siya ang hepe ng ISAFP na umano’y source ng tape. Kinuwestiyon din ni Biazon ang qualifications ni Danga na wala anyang field experience.

Pinalitan ni Habacon sa Southcom ang nagretirong hepe na si Lt. Gen. Edilberto Adan habang ang magreretirong si Westcom chief Vice Adm. Antonio Domingo sa Peb. 14 ang pinalitan ni Danga.

Samantala, hiniling ni Biazon sa Senado na ipasa na ang inihain nilang resolusyon ni Sen. Panfilo Lacson para sa karagdagang meal allowance ng mga sundalo mula sa P60/araw ay gawing P120 a day. (Rudy Andal)

Show comments