Ang reklamo ay isinampa ng negosyanteng si Emiliano dela Victoria kaugnay ng umanoy pang-aabuso ni Suplico ng kanyang kapangyarihan bilang mambabatas nang magsampa ito ng resolusyon na magbibigay pabor sa Goodwill Trading kung saan isa sa sa mga stakeholder ang biyenan nitong lalaki.
Ayon kay dela Victoria, nakasaad sa record ng 11th Congress na nagsampa si Suplico ng Congressional resolution at petisyon upang ipawalang bisa ang water permits na ipinalabas ng National Water Resource Board (NWRB) sa Kimberly Clark Philippines sa Iloilo.
Sinabi nito na sa naturang congressional resolution ay napilitang magbayad ang Kimberly Clark ng P175 milyon sa Goodwill Trading bunga na rin umano ng labis na intimidasyon.
Bukod dito, inakusahan din ni dela Victoria na sangkot din umano si Suplico sa panghihingi ng P2 milyon sa dalawang malalaking telecommunications company, ang Globe Telecom at Smart, upang ipamudmod sa tinaguriang "Gang of Five" sa Kamara.
Aniya, ginagamit umano ni Suplico ang kanyang kapangyarihan at impluwensiya upang magipit ang ibang tao. (Doris Franche)