Sa hatol ng Mataas na Korte, inatasan si Ponteverda, Panay Capiz Municipal Trial Court Judge Henry Avelino na magbayad ng halagang P20,000 dahil sa mga kasong nilulumot na.
Alinsunod sa Saligang Batas, mayroon lamang 90 araw ang mga huwes para desisyunan ang kaso.
Natukoy ang mga nakabinbing kaso matapos magsagawa ng judicial audit ang Court Management Office ng Office of the Court Administrator kung saan natagpuan ang may 33 kaso na hindi pa naaaksiyunan at 17 kaso na may nakabinbing mga mosyon.
Idinahilan ni Judge Avelino na bunga umano ng kakulangan ng mga computer at iba pang resource materials kaya naantala ang pagresolba sa mga kaso.
Subalit, binalewala ng korte ang mga katwirang inihain ni Avelino matapos makita na may ginagamit na 2 typewriters sa kanyang sala. Anang korte, sakaling kinakapos umano ng oras si Avelino, maaari naman siyang humingi ng extension sa oras kung kinakailangan.
Bukod pa dito, lalong tumindi ang paniniwala ng korte na nagdadahilan lamang si Avelino dahil may isang computer printer sa loob ng kanyang opisina.
Dahil dito, sinabi ng SC na ang kabagalan sa aksiyon ng hukom ay dulot ng pagpapabaya at katamaran at kawalan ng dedikasyon sa kanyang sinumpaang tungkulin. (Grace dela Cruz)