Namatay habang ginagamot si Judge Henric Gingoyon, 53, ng Pasay City Regional Trial Court bunga ng limang tama ng bala sa katawan.
Base sa inisyal na report mula kay Provincial Director Sr. Supt. Benjardi Mantele, naganap ang insidente dakong ala-12:45 ng tanghali sa panulukan ng Soldiers Hills, Molino 4, Bacoor, Cavite.
Naglalakad umano ang biktima galing sa gym nang tambangan ng dalawang hindi kilalang mga suspek sakay ng isang asul na XRM Yamaha motorcycle.
Bagaman naisugod ang hukom sa Molino Doctors Hospital at inilipat sa Imus Medical Center ay hindi na rin naisalba pa ng mga doktor ang kanyang buhay dahil sa tindi ng tinamong mga tama.
Si Gingoyon ang siyang dumidinig sa kontrobersyal na kaso ng PIATCO kaugnay ng pagpapagawa ng NAIA Terminal 3.
Isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya hinggil sa nasabing pagpatay kasabay ng manhunt operation laban sa mga suspek na hinihinalang mga hired killers. (Cesar Cezar at Arnell Ozaeta)