Ang panawagan ay ginawa ng Presidente nang pangunahan niya sa Baguio City ang paglalagay ng masking tape sa mga baril ng mga sundalo, pulis at security guard, isang paggunita na hindi nila dapat paputukin ang kanilang mga baril sa selebrasyon ng Bagong Taon.
Kasama ng Pangulo sa paglalagay ng masking tape sina Philippine National Police Director Gen. Arturo Lomibao at Army Chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon.
Sinabi ng Pangulo na ang hakbanging ito ay simbolo na ayaw ng gobyerno ang paggamit ng baril sa pagdiriwang ng Bagong Taon at walang sinuman ang sasantuhin ng kampanyang ito maging sila man ay pulis, sundalo, guwardiya at sibilyan.
Kaugnay ng selebrasyon ng Bagong Taon, sinabi ni Lomibao na magsasagawa sila ng pagmamanman ngayong araw na ito sa mga may-ari ng lisensiyadong baril para matiyak na maayos na maipapatupad ang direktiba ng Pangulo.
Ang pagpapaputok ng baril mamayang hatinggabi ay ipinagbabawal para maiwasan ang pagkasugat o pagkamatay ng inosenteng sibilyan na maaaring tamaan ng ligaw na bala.
Ipinagbabawal din ang pagpapaputok ngayon ng super lolo, plapla, bawang, giant five-star at iba pang malalakas na pampasabog, gayundin ang pagsusunog ng gulong ng sasakyan na nakakalikha ng pollution sa kapaligiran. (LATolentino)