Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga, itoy matapos na aprubahan ni Pangulong Arroyo ang pagpapadala ng 165 member contingent sa Liberia at 155 member contingent para naman sa Haiti.
Kahapon ay nagsagawa ng pormal na send-off ceremony ang AFP sa pamumuno ni Senga para sa mga sundalong magsisilbing peacekeepers.
Sinabi ni Senga na ang ika-5 batch ng Philippine Contingent to Liberia (PCL) ay pamumunuan ni Col. Mario Mendoza habang ang 3rd batch ng Philippine United Nations Mission to Haiti (UNMH) ay sa ilalim ni Col. Cesar Dionisio Sedillo. Sina Mendoza at Sedillo ay magsisilbing contingent commanders.
Nabatid na ang unang batch ng RP continget sa Liberia at Haiti ay nakatakdang umalis ngayong araw para sa anim na buwang tour of duty na papalitan naman ang 4th batch PCL at 2nd batch ng UNMH.
Ang bawat peacekeeping contingent ay makakatanggap ng buwanang allowance sa loob ng 6 buwang pananatili sa nasabing mga bansa.
Ang Pilipinas ay nagpapadala ng AFP personnel para maging UN peacekeepers bilang bahagi ng pakikiisa ng bansa sa humanitarian mission sa mga bansang binubulabog ang kaguluhan. (Joy Cantos)