Ayon kay House Majority Leader Prospero Nograles, hindi dapat personalin ng mga tatamaang opisyal kung masisipa sila sa puwesto lalo na ang mga humahawak ng mga non-performing assets (NPAs).
Sinabi naman ni House Deputy Minority Leader at Iloilo Rep. Rolex Suplico na dapat alisin sa lalong madaling panahon ang walang pakinabang na mga opisyal upang hindi maaksaya ang pondo ng gobyeno.
Idinagdag ni Nograles, bahagi ng trabaho sa pamahalaan ang sibakan at balasahan kaya hindi dapat itong masamain ng mga opisyal.
Pero iginiit ni Suplico na unahin sa listahan ng mga sisibakin sina National Security Adviser Norberto Gonzalez, Press Sec. Ignacio "Toteng" Bunye at GSIS President at General Manager Winston Garcia.
Masyado na aniyang pabigat ang mga nasabing opisyal sa pamahalaan kaya dapat nang matapos ng maaga ang kanilang termino.
Ipinaalala ni Suplico ang paglagda ni Gonzalez sa kontrobersiyal na Venable contract samantalang si Bunye naman ang pinag-ugatan nang pagkalat ng kontrobersiya ng "Hello Garci" tapes na isinagawa pa niya sa isang press conference, samantalang nasisilip naman ang palpak umanong pamamahala ni Garcia sa GSIS.
Ayon naman sa isang solon, dapat isama sa sisibakin si Energy Sec. Rafael Lotilla dahil hindi nito sinusunod ang Energy Power Industry Reform Act (EPIRA) Law kung saan dapat na sabay-sabay ibenta ang walang pakinabang na power plant ng Napocor. (Malou Rongalerios)