Ayon kay de Venecia, ang pondo ay magsisilbing paunang pondo na inaasahang madadagdagan pa mula sa ibang grupo at pangakong P2M ni Pangulong Arroyo.
Una nang nagbigay ng P200,000 sa freedom fund mula sa kanyang personal na pondo si de Venecia.
Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinirmahan nina de Venecia at PNP Director Gen. Arturo Lomibao habang si Jose Pavia ng Philippine Press Institute ang pumirma naman para sa freedom fund na sama-samang pamumunuan ng lima pang press organizations ng print at broadcast journalists.
Nabatid na ang PNP ay tatanggap ng P1M na magsisilbing reward money para sa impormasyon sa pagkakaaresto at prosekusyon ng mga kaso ng pagpatay sa media personalities.
Habang ang P1M ay gagamitin ng journalists group para sa pagbuo ng isang quick-reaction team na siyang riresponde sa anumang insidente ng pag-atake laban sa journalists saan mang bahagi ng bansa. Bahagi rin ng pondo ay ilalaan para sa scholarship programs ng mga kuwalipikadong anak ng mga napatay na journalists.
Umaasa si de Venecia na susuportahan ng ibang organisasyon ang kanilang objective para matulungan ang mga journalists at pamilya nito.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Cavite Rep. Gilbert Remulla na umabot naman sa P220,000 ang nakalap na donasyon mula sa mga kongresista na kanilang ilalagay sa pondo sa susunod na taon. (Malou Rongalerios)