Inihayag ng Comelec Committee on Overseas Absentee Voting, bukas ang rehistrasyon sa mga Pilipino sa ibayong-dagat na 18-anyos sa darating na Mayo 24, 2007, mga may-hawak ng dual citizenship at mga muling kumuha ng Philippine citizenship.
Bukas rin ito sa mga immigrants o mga Pinoy na nagdesisyon na manatili at maging tahanan na ang ibang bansa.
Para naman sa mga overseas absentee voter na nagparehistro noong 2003 ngunit hindi nakaboto nitong 2004 elections, hindi na kailangan pang magparehistro muli ngunit kailangan nang bumoto sa 2007 upang hindi mabura ang kanilang pangalan sa listahan ng Comelec.
Kung nakarehistro naman noong 2003 ngunit madedestino sa iba pang bansa sa Mayo 14, 2007, makakaboto pa rin ito kung magsusumite ng letter of request sa embahada ng Pilipinas sa bansang kinaroroonan para sa paglilipat ng registration record ng botante.
Matatandaan na nanganganib na ipagliban ang 2007 elections base sa rekomendasyon ng 55 miyembro ng Constitutional Commission (Con-Com) panel na binuo ni Pangulong Arroyo. Itoy upang gamitin umano ang magagastos na pondo sa eleksyon sa pagpapaunlad ng bansa at ituloy na lamang ang eleksyon sa 2010.
Kasalukuyang hawak na ng Pangulo ang naturang rekomendasyon na nakatakda namang isumite sa Kongreso at Senado upang kanilang pag-aralan at pagtibayin. (Danilo Garcia)