Si Col. Victor "Vicsle" Abat, Deputy Commander ng 702nd Infantry Brigade (IB) na nakabase sa Bongabon, Nueva Ecija ay inalis ni Army Chief Lt., Gen. Hermogenes Esperon Jr.
"He was caught passing text messages that tend to destabilize the government", ani Esperon.
Nabatid base sa rekord ng AFP na si Col. Abat, Baron ng Class 1977 ay hindi binibigyan ng matataas na posisyon sa Phil. Army simula ng masangkot ang ama nito sa kaliwat kanang pag-atake laban sa gobyerno.
Samantala isa pang opisyal ang sinibak din, si Marine Col. Junuario Caringal, kapatid ni Chief Supt. Jaime Caringal, ang heneral na nakaladkad ang pangalan sa sumingaw na kudeta.
Ayon kay Marine Commandant Major Gen. Renato Miranda si Col. Caringal ay inilagay na muna nila sa floating status pero itinangging may bahid pulitika ito.
Kaugnay nito, lumantad naman kahapon sa Camp Crame si Chief Supt. Caringal, hepe ng PNP-Civil Security Group at nilinis ang kaniyang pangalan sa sumingaw na coup plot.
Binigyang diin ni Caringal na bilang isang propesyonal na opisyal ng PNP ay nanatili siyang tapat sa Konstitusyon at sa mga itinatadhana ng batas. (Joy Cantos)