Inalerto ang AFP at PNP dahil sa panibagong bantang kudeta na ilulunsad umano ng magkasanib na puwersa ng PNP-Special Action Force at mga junior officers daw ng Philippine Army na malapit umano kay Col. Billy Bibit (Ret.) ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM).
Apat na batalyon ng sundalo mula sa AFP-National Capital Region Command ang nakaalerto ngayon sa Camp Aguinaldo habang 17,000 pulis naman ang ikinalat sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa dahil sa bantang kudeta.
Itinanggi ng liderato ng AFP ang balitang kudeta pero naka-full battle gear ang mga sundalo sa Camp Aguinaldo gayundin sa security force sa Palasyo kasabay ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad.
Ayon kay Capt. Ramon Zagala, spokesman ng AFP-NCRCOM, tsismis lamang ang sinasabing kudeta dahil nakumpirma naman nilang walang troop movement na nangyayari sa loob ng AFP.
Ayon naman kay Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, tsismis lamang at walang katotohanan ang umuugong na kudeta.
Sinabi pa ni Sec. Bunye, kontrolado ng ating AFP at PNP ang sitwasyon at walang dapat ipag-alala ang taumbayan habang dumadalo sa ASEAN summit ang Pangulong Arroyo sa Malaysia. (Joy Cantos at Lilia Tolentino)