Mag-ingat sa pagbili ng laruan – Sen. Villar

Pinayuhan ni Sen. Manuel Villar Jr. ang taumbayan na mag-ingat sa pagbili ng mga laruan na mapanganib sa kalusugan at kung minsan ay nagdudulot pa ng kamatayan bukod sa malaking banta pa ito sa kalikasan.

Sa kanyang Senate Bill 658 o "Toy Safety Labelling Act of 2004", sinabi ng senador na dapat magkaroon ng mga paalala sa mga laruan kung anong edad ang puwedeng maglaro ng nabanggit na laruan at dapat na may babala din ito hinggil sa kalusugan.

Ginawa ni Sen. Villar ang panawagan dahil na rin sa paglaganap ng mga laruan sa bangketa na walang mga tinatawag na "safety measures".

Aniya, malaking bilang din ng mga laruan maging sa mga shopping malls ang wala sa kuwalidad ng itinakdang batas batay na rin sa Consumer Act of the Philippines o R.A. 7394 na naglalayong protektahan ang mga mamimili laban sa mapanganib na laruan.

Dinagdag pa ng senador na ilang insidente na rin ng pagkadisgrasya bunga ng mga depektibong laruan ang naitala ng pulisya. (Rudy Andal)

Show comments